Journey of Eros

September 12, 2007

Dalawang Sanaysay

Filed under: Uncategorized

ng pakikipaglaban ng bata sa buhay.

Mga nagwaging sanaysay sa Palanca ang naging libangan ko ngayon araw. Mga salaysay na nagpapakita ng musmos na paghihirap, kung paano nila hinarap ang buhay at kamatayan.

Sa sanaysay ni Luis Gatmaitan na may pamagat na Tapok at Banlik, nakakaantig ang dinanas ng mga paslit sa trahedyang kumitil ng maraming buhay sa Quezon province mahigit dalawang taon na ang nakakaraan.

"Hindi rin nakaligtas sa drowing ng mga bata ang buwan, ulan, at kidlat. Napansin ko agad ang kakaibang hitsura ng buwan. Nilagyan nila ito ng mukha. Nakalabi ang buwan!"

Tungkol naman sa bulol pang musmos na may cancer ang sanaysay ni Ferdinan Jarin, ang "Anim na Sabado ng Beyblade."

"At bilang isang nagnanais maging mabuting ama, nang alam kong di na kaya pang lumaban ng aking anak, pinabaunan ko siya ng halik at hinayaan ko na siyang lumisan. “ Sige na ‘Bo. Salamat sa apat na taon. Mahal ka namin. Paalam.” At saka ako umiyak  nang umiyak."

Ito yung klase ng pagsasalaysay na gayong maaaring ipadala kay Charo Santos sa MKK, lumilitaw ang kahusayan ng manunulat sa paghahabi ng mga salita at paglalarawan na nagdudulot ng kaaya-ayang kabuuan. Hindi hard-sell. Suwabe lang. Kung marupok ang luha mo, malayang umiyak. Ang higit na nag-iiwan ng marka ay ang mga imaheng nakapaloob sa sanaysay.

Siguro nga mas makapangyarihan ang literatura kumpara sa sining-biswal kagaya ng pelikula na sumungkit ng emosyon.

Isang Gabi

Filed under: Uncategorized

Naiisip ko minsan, minsan madalas, kung tama ba ang desisyon ko na mag-MA. Baka ‘kako naburyong lang ako sa buhay kaya’t kailangan ko ng libangan. Pero hindi rin. Dati ko pang gustong magpatuloy sa pag-aaral. Hindi upang mangolekta ng diploma o degree kundi upang dagdagan ang kaalaman at mapahusay kung ano mang talento ako mayroon.

Ang tanong - meron nga ba?

Hinalungkat ko noong Sabado ang mga dati kong files - mga akdang nakasave sa email at blog, mga vignette na hindi tapos. Sa sarili kong estetika, masasabi kong "promising." Sayang kung iiwanang nakalutang sa kawalan. Binasa ko mula sa simula, nanariwa ang mga lumang ideya, bumilis ang pagtipa ng mga daliri sa keyboard, nagsanga-sanga ang kuwento.

Sabi ni Sir Vim (Nadera), kung alam mo na ang back story ng bawat tauhan, ang proseso ng pagsulat ay parang sipon o lugang tuloy-tuloy na tatagas. Ang sa aki’y nakabara. Baka kailangan ko ng Solmux.   






















Get free blog up and running in minutes with Blogsome
Theme designed by Helga Cleve