Dalawang Sanaysay
ng pakikipaglaban ng bata sa buhay.
Mga nagwaging sanaysay sa Palanca ang naging libangan ko ngayon araw. Mga salaysay na nagpapakita ng musmos na paghihirap, kung paano nila hinarap ang buhay at kamatayan.
Sa sanaysay ni Luis Gatmaitan na may pamagat na Tapok at Banlik, nakakaantig ang dinanas ng mga paslit sa trahedyang kumitil ng maraming buhay sa Quezon province mahigit dalawang taon na ang nakakaraan.
"Hindi rin nakaligtas sa drowing ng mga bata ang buwan, ulan, at kidlat. Napansin ko agad ang kakaibang hitsura ng buwan. Nilagyan nila ito ng mukha. Nakalabi ang buwan!"
Tungkol naman sa bulol pang musmos na may cancer ang sanaysay ni Ferdinan Jarin, ang "Anim na Sabado ng Beyblade."
"At bilang isang nagnanais maging mabuting ama, nang alam kong di na kaya pang lumaban ng aking anak, pinabaunan ko siya ng halik at hinayaan ko na siyang lumisan. “ Sige na ‘Bo. Salamat sa apat na taon. Mahal ka namin. Paalam.” At saka ako umiyak nang umiyak."
Ito yung klase ng pagsasalaysay na gayong maaaring ipadala kay Charo Santos sa MKK, lumilitaw ang kahusayan ng manunulat sa paghahabi ng mga salita at paglalarawan na nagdudulot ng kaaya-ayang kabuuan. Hindi hard-sell. Suwabe lang. Kung marupok ang luha mo, malayang umiyak. Ang higit na nag-iiwan ng marka ay ang mga imaheng nakapaloob sa sanaysay.
Siguro nga mas makapangyarihan ang literatura kumpara sa sining-biswal kagaya ng pelikula na sumungkit ng emosyon.

Para ngang magaganda yang mga yan ah.
Comment by Richmond — September 17, 2007 @ 4:21 am